40 Abu Sayyaf patay, 25 sugatan sa bakbakan sa Sulu at Basilan

Public Domain image

Apatnapung miyembro ng Abu Sayyaf ang napatay at 25 naman ang malubhang nasugatan dahil sa mas pinaigting na kampanya ng militar laban sa grupo.

Ito ang kauna-unahang kontra-opensiba na isinagawa ng militar sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang libu-libong hukbo ng militar na umatake sa pugad ng mga terorista ay sinuportahan ng rocket-firing helicopters at artillery fire.

Ayon sa tagapagsalita ng Western Mindanao Command ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na si Major Felimon Tan, 22 na bandido ang napatay at 16 naman ang nasugatan sa pag-atake ng mga sundalo sa kagubatan ng Sulu na nagsimula noong isang linggo.

Sa kalapit na probinsiya ng Basilan ay 18 namang mga Abu Sayyaf ang patay sa enkwentro at 9 ang sugatan sa kasabay na pagsalakay na sumentro sa bayan ng Tipo-Tipo.

Isa sa mga nasawing Abu Sayyaf ay nakilalang si Sabtola Mahalli; isa sa mga sangkot sa pagdukot sa mamamahayag na si Ces Drilon noong 2008.

Nagdeklara naman ng state of calamity ang lokal na pamahalaan ng Basilan dahil sa bakbakan ng militar at Abu Sayyaf.

Ayon sa ulat ng Radyo Inquirer, sinabi ni Basilan Governor Jim Hataman-Salliman na maaaring tumagal ng hanggang tatlong buwan ang state of calamity. Ito ay upang mapagsilbihan nang maayos ang mga mamamayan na lumikas dahil sa bakbakang nagaganap.