Duterte, pinauunawa kung bakit puro mahihirap ang napapatay na drug pushers

Imahe mula sa Duterte page

QUEZON CITY, Pilipinas – Ipinaliwanag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dahilan kung bakit sa kabila ng lalo pang pinaigting na operasyon laban sa ilegal na droga ay wala pang napapatay na bilyonaryong drug lords sa bansa at karamihan ng napapatay ay ang mga mahihirap.

Ayon sa Bombo Radyo, sinabi ng pangulo na nasa labas ng bansa ang mga “malalaking isda” na sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga. Aniya, gamit ang modernong teknolohiya, ipinapadala lamang nila ang shabu sa mga pushers.

Sa kabila nito, binigyang-diin ng pangulo na hindi dapat maliitin ang pagkakapatay sa mga pushers at ang pagsuko ng libu-libong users. Paliwanag niya, maaaring ihalintulad ito sa pagnenegosyo ng mga Intsik na “wholesale”; o sa kaisipan na kahit maliit lang ang tubo sa bawat bagay, ngunit kapag maraming naibebenta ay malaki pa rin ang kabuuang kita.

“I am not saying it’s the Chinese. Practice of nitong wholesale, retail. They go for wholesale [Hindi ko sinasabi na ang mga Tsino ang dahilan. Praktis ng wholesale at retail ang tinutukoy ko. Pinipili nila ang wholesale]. Maski na kumita lang ng isang piso diyan sa isang… Okay na ‘yan. Kasi paramihan eh. Iyan ang ibig kong sabihin,” sabi pa ni Durerte.

“Alam mo kayong mga media, naghahanap kayo ng, “Where’s the big fish?” “Saan ‘yung bilyonaryo na mayaman, ‘yung may kotse, ‘yung may mga Mercedez na yan?” Ma’am, nandoon ‘yan sila sa labas, wala dito. Maghanap ka ng isang batalyon na pulis para hulihin natin doon. Kung kaya natin,” saad ni Duterte.

‘Marami pa’

Samantala, kamakailan lang nang diretsahang sabihin ni Philippine National Police Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na napakarami pa ang maaaring sumunod sa mga Chinese drug lords na maaaresto o mapapatay sa lalong pinalakas na kampanya ng gobyerno laban sa droga.