Estudyanteng nadamay sa pamamaril sa Quiapo, posibleng matigil sa pag-aaral

Image by Dennis Datu via Twitter

MAYNILA, Pilipinas –  Posible umanong matigil sa pag-aaral ang babaeng estudyante na nadamay sa pamamaril ni Vhon Tanto; ang pinaghihinalaang drayber ng pulang Hyundai Eon na pumaslang sa 35 anyos na cyclist na si Mark Vincent Garalde.

Matatandang tinamaan ng ligaw na bala ang 18 anyos na si Rocel Bondoc na noon ay nakatayo lamang malapit sa harap ng kanilang tinitirhan sa Quiapo, Maynila. Pinaniniwalaang galing ang bala sa baril na ginamit ng pangunahing suspek na si Tanto nang paputukan ng huli ang biktimang si Garalde.

Habang namatay kaagad si Garalde sa pinangyarihan ng krimen dahil sa ilang tama ng bala sa ulo at katawan, naisugod naman si Bondoc sa Mary Chiles Hospital (MCH) kung saan siya ay nilapatan ng karampatang lunas.

Ayon kay Dr. Domingo Reyes, tinamaan ang dalaga sa kaliwang banda ng likod nito at nagasgasan din ang kaniyang bato na naging sanhi upang malagay ito sa kritikal na kondisyon nang ilang araw.

Bagama’t nakuha na ang balang pumasok sa katawan ng estudyante, at sinabing nasa ligtas nang kalagayan ito, ay nangangamba ang kaniyang mga kaanak na baka mahinto muna sa pag-aaral ang dalaga upang magpagaling sa kaniyang tinamong sugat.

“Siyempre matagal ang healing process niya e. Tragic ang nangyari sa pamangkin ko,” paliwanag ni  Rowena Dungka, isa sa mga tiyahin ng biktima.

Si Bondoc ay isang ulila at estudyante sa Universidad de Manila (UDM). Isa rin siyang iskolar ng siyudad ng Maynila, ayon kay Mayor Joseph Estrada.

Humihingi rin ng pinansyal na tulong ang mga kamag-anak ni Bondoc upang matustusan ang kanilang bayarin sa hospital na umabot na diumano ng P150,000.

Samantala, umapela na rin ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya ni Mark Vincent Garalde upang mabigyan ng hustisya ang napaslang na cycling enthusiast at gaming assistant.

Hindi diumano matanggap ng kaniyang mga kaanak ang karumal-dumal na nangyari kay Garalde na noon ay papasok lang sana sa kaniyang trabaho sakay ng kaniyang bisikleta.

“Ang ginawa sa kanya, hindi katanggap-tanggap,” ayon kina Kristine at Risen Eleazar, mga hipag ni Garalde.

Matatandaang nagkaroon ng mainitang pagtatalo si Garalde at ang drayber ng Hyundai Eon na nauwi sa suntukan at brutal na pagpatay sa biktima.

Ayon sa pinakahuling ulat, natagpuan na ang sasakyan ng pangunahing suspek na si Vhon Tanto sa bahay ng kaniyang bayaw sa Nueva Vizcaya nitong Huwebes, subalit hindi pa rin sumusuko ang huli sa kabila ng ‘shoot-to-kill’ order na inilabas ng Manila police.