Duterte nagbantang may ibubulgar sa isang ‘babaeng opisyal’ ng gobyerno

Image from DFN fileImage from DFN file

MAYNILA, Pilipinas – Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ilalaglag niya ang isang ‘babaeng opisyal’ ng gobyerno sa mga darating na araw, subalit tumanggi itong pangalanan ang huli.

Naganap ang pagbabanta ng presidente sa panayam ng mga reporter sa Davao City noong Huwebes nang tanungin siya na inaasahan niya bang hindi siya titigilan ng kaniyang mga kritiko kahit tapos na ang eleksiyon.

Inamin ni Duterte na siya ngayon ang paboritong ‘whipping boy’ ng mga NGOs at mga ‘human rights stalwarts’ umano subalit mayroon daw siyang inihahanda para sa mga ito na siguradong ikagugulat nila.

Inihalimbawa ng Pangulo ang isang babaeng opisyal daw ng gobyerno, ngunit hindi naman niya kaagad binanggit ang pangalan.

“I have a special ano kay ano. She is a government official. One day soon I will – bitiwan ko ‘yan [I will drop her] in public and I will have to destroy her in public,” pahayag ni Duterte.

Nang humingi ng clue ang mga mamamahayag sa katauhan ng naturang opisyal, hintayin na lang daw ng mga ito na maisapubliko niya ang lahat.

Sagot ng president: “That is the riddle there, hintay lang kayo.”

Inamin din ni Duterte na “nakikinig” daw siya sa mga pinag-uusapan ng ibang grupo sa tulong ng ibang bansa.

“Akala nila hindi ako nakikikinig sa kanila while all the time they have also been listening to what I have done. I have also been busy and with the help of another country listening to them,” ang mahiwagang bunyag ni Duterte.

“If you cannot catch me listening to you, then I will say there’s nothing,” dagdag pa nito.

Ilan sa mga babaeng opisyal na nakaalitan ni Pangulong Duterte ay sina Senadora Leila De Lima, dating Human Rights Commissioner Etta Rosales at maging sina Senadora Grace Poe at VP Leni Robredo noong kainitan ng kampanya sa eleksyon.

Nitong huli lang ay nagkaroon din ng maikling hidwaan ang Pangulo at si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno tungkol sa isyu ng mga huwes na nasangkot sa ‘drug list’.

Subalit nauna nang humingi ng paumanhin si Duterte kay Sereno, habang si Poe naman ang unang-unang kandidato na tinanggap ang pagkatalo noong eleksyon.

At mukhang nagiging maayos naman na ang relasyon nina Duterte at Robredo na binigyan pa ng puwesto ng una sa Gabinete sa kabila ng mga naunang kontrobersiyang namagitan sa dalawa.