Maxine Medina, sosorpresahin ang publiko sa Miss U

Imahe mula sa Facebook

Sosorpresahin na lang daw ni Binibining Pilipinas-Universe Maxine Medina ang publiko sa mismong coronation night ng 2016 Miss Universe pageant na gaganapin sa Pilipinas sa susunod na taon.

Ayon sa Bombo Radyo, sinabi ng first time beauty queen na bahagi raw ng kanyang game plan ang sorpresahin ang madla at sabik na siya sa pagdating ng araw na iyon. Sa kasalukuyan, humigit kumulang limang buwan na lamang bago ganapin ang prestihiyosong international beauty pageant sa bansa.

Gayunman, umamin ang 25-year-old interior designer na nape-pressure din siya kahit sa kabila ng lahat ay nananatili pa rin ang tiwala niya na makapagbibigay siya ng karangalan sa Pilipinas. Hindi rin siya nagpapaapekto sa kabila ng mga sinasabi ng iba laban sa kanya. Ang mga  pambabatikos na kanyang natatanggap ay ginagawa na lamang niyang inspirasyon upang mapalago ang sarili.

Samantala, hinimok ni Medina ang sambayanang Pilipino na suportahan siya at ipagdasal para sa nalalapit na patimpalak.

Sa kasalukuyan, sumasailalim si Medina sa pagsasanay na pinamumunuan ng pageant mentor at tinaguriang beauty queen maker na si Jonas Gaffud.

Miss Universe sa Pilipinas

Kamakailan ay inanunsyo ng Department of Tourism (DOT) na gaganapin ang susunod na Miss Universe pageant sa Pilipinas, ika-30 ng Enero 2017.

Bagama’t medyo malaking pera ang kakailanganin, tiniyak ni Tourism Secretary Wanda Corazon Teo na walang gagastusin na pera ang gobyerno para sa patimpalak sapagkat sagot ng pribadong sektor ang lahat ng gagastusin. Sa katunayan, may US$11 million na pondo na mula sa pribadong sektor ang inilaan sa Miss Universe pageant; na P500 millon ang katumbas sa Philippine currency.

Planong ganapin sa anim na lalawigan ang pre-pageant activities  ng Miss Universe na pinangungunahan ng Davao kung saan nagmula ang 26-year-old Cagayan de Oro beauty queen at reigning Miss Universe Pia Wurtzbach. Kasama rin sa mga ito ang Boracay at Palawan.