Naging GF ni Herbert sa loob ng 20 years, walang hinanakit kay Kris

Mga imahe mula sa Facebook

Sa kabila ng umano’y naging ugnayan ni Quezon City Mayor Herbert Bautista at Kris Aquino, nilinaw ng dating kasintahan ng alkalde — na nakarelasyon niya sa loob ng 20 taon — na wala itong sama ng loob sa Queen of all Media.

Ayon sa Bombo Radyo, isiniwalat ni Tates Gana ang pagsunod sa kanila ng actor-turned-politician habang kasalukuyang maugong ang usapin tungkol dito at sa TV host/actress. Aniya, nais niyang linawin na hindi sila nawalan ng komunikasyon ni Bautista at wala rin siyang kahit anong hinanakit kay Aquino.

Napag-alamang huminto si Bistek sa panliligaw sa aktres matapos niyang mapansin na apektado na ang dalawa niyang anak kay Gana sa mga nagaganap.

“Siguro, dapat lang nilang pagdaanan sa buhay ang mga ganung klase ng problema. Basta ako, I have no bad thoughts or bad words for [wala akong masamang iniisip o masamang sasabihin kay] Kris. At si Mayor, mabait naman siya, hindi nagkukulang sa amin. Noong magbakasyon kami sa States ng mga bata, sumunod pa nga siya to be with us [para makasama kami],” saad nito sa isang panayam.

Sa kasalukuyan daw ay kontento na si Gana sa set-up nila ni Bautista at nagpapasalamat na lamang sa Diyos sapagkat maayos nilang napapalaki ang kanilang mga anak.

Nagkabalikan?

Samantala, may mga nagtatanong din kung nagkabalikan na ba sina Bautista at Gana dahil kamakailan lamang ay may lumabas na picture ni Bautista kasama ang dalawang anak nitong sina Athena at Harvey habang nasa Amerika.

Nasa litrato rin si Gana, kaya naman may mga napaisip kung magkasintahan na ba sila ulit.

Ngunit paglilinaw ni Gana, maayos naman ang turing nila sa isa’t isa kahit pa nauwi sa hiwalayan ang dalawang dekadang relasyon nila.

“Bati naman kami even before that [kahit bago pa nangyari iyong bakasyon],” paliwanag niya.

Source :

Bombo Radyo, GMA, PEP