Breaking: Jaybee Sebastian, Peter Co, sugatan sa riot sa Bilibid; 1 pang Chinese drug lord, patay

Images from GMA News/Pinoy World

MAYNILA, Pilipinas – Sugatan umano ang mga high-profile inmate at convicted drug lord na sina Jaybee Sebastian at Peter Co sa isang riot sa National Bilibid Prison (NBP) nitong Miyerkules nang umaga, Setyembre 28.

Napatay naman sa nasabing insidente ang isang Chinese drug lord na si Tony Co habang sugatan din ang isa pang inmate na si Vincent Sy na dinala sa Ospital ng Muntinlupa.

Kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre ang nangyaring kaguluhan sa loob ng Bilibid.

Naganap umano ang nasabing riot bandang alas-7:40 nang umaga sa Building 14 kung saan nakakulong ang ilang kilalang inmate sa bansa, kabilang na ang mga nabanggit na mga drug lord.

Ayon kay Aguirre, isa umanong dating Police Major Dungael na nakakulong din sa Bilibid ang sumita sa ginagawang shabu session na pinangungunahan ni Peter Co at Tony Co, subalit pumalag ang huli at sinugod ang nasabing dating pulis na nauwi sa kaguluhan.

Isinugod umano sa Medical Center ng Muntinlupa City ang mga nasugatang bilanggo kabilang na si Sebastian na napaulat na nasa maayos nang kalagaya. Samantala, sinasabing 50/50 naman ang kalagayan ni Peter Co na kasalukuyang ginagamot ngayon.

Iniimbestigahan na ngayon kung paano nakapasok ng shabu ang napatay na drug lord sa kabila ng mahigpit na pagbabantay ng Special Action Force (SAF).

Si Sebastian ay kilalang lider ng isang gang sa Bilibid na kalaban ng grupo ni Herbert Colanggo. Siya ay pilit na iniuugnay kay Senadora Leila De Lima na inaakusahang sangkot sa ilegal na droga sa Bilibid.

Si Peter Co naman ay dati nang napaulat na may kaugnayan sa anak ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na si Kerwin. Si Kerwin ay kasalukuyang nagtatago ngayon matapos pangalanan bilang isa sa pinakamalaking supplier ng droga sa Western Visayas.