3-Buwang Sanggol Na Iniwan sa NAIA, Nais Nang Bawiin ng Ina

Larawan mula sa Kicker Daily NewsLarawan mula sa Kicker Daily News

Nais bumalik sa Maynila ng Overseas Filipino Worker (OFW) upang bawiin ang diumano inabandona niyang tatlong buwang sanggol sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), limang araw na ang nakalilipas.

Sa panayam ng ABS CBN sa 36-anyos na si Vilma Pacibas Lastima, inilahad nito ang kaniyang plano sa pagbalik ng Maynila matapos mabatid na ang kaniyang anak ay natagpuan ng Manila International Airport Authorities (MIAA) at ibinigay ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Itinanggi ni Lastima na inabandona nito ang kaniyang tatlong buwang gulang na sanggol noong ika-25 ng Nobyembre, at aniya ay may pinuntahan lamang siya.

May pinuntahan lang po ako. Pag balik ko sa airport hindi ko na po makita si (Mercy Bonaobra) ‘yung babae na pinag-iwanan ko ng aking anak at passport,” ani Lastima.

Magugunitang iniwan ni Lastima ang kaniyang anak sa NAIA T1 sa isang OFW rin na si Bonaobra kabilang ang ilang mga gamit pambata at ang pasaporte nito.

Agad iniulat  ni Bonaobra ang pangyayari apat na oras matapos hindi binalikan ni Lastima ang kaniyang anak.

Natatakot po ako baka kung ano ang mangyari sa bata kaya po ako nag-report sa airport police dahil hindi na po binalikan ng nanay ‘yung anak niya,” saad ni Bonaobra.

Giit ni Lastima, sinikap nitong hanapin si Bonaobra subalit nabigo ito sa paghahanap.

Bumalik po ako sa airport at hinanap ‘yung anak ko pero hindi ko na po nakita at hindi na rin po sinasagot ni Bonaobra ang kanyang telepono,” saad ni Lastima.

Nagdesisyon itong umuwi ng Maco, Davao na hindi kapiling ang anak.

Bilang patunay, aniya mayroon siyang orihinal na travel documents at airplane tiket ng kaniyang 3-buwang gulang na sanggol.

Giit pa rin ni Lastima, wala siyang intensyong abandonahin ang kaniyang anak.

Samantala, nasorpresa si Joy Detros sa balita, hipag ni Lastima, sapagkat iniwan nito ang sanggol at hindi nila alam na siya ay buntis at uuwi ito mula sa Jordan.

Hindi po namin alam na uuwi na siya ng Pilipinas at may dalang bata, dahil meron pa siyang anak dito sa Pilipinas pero hiwalay sa asawa,” ayon kay Detros.

Dagdag ni Detros, walang binanggit ang hipag nito sa insidente nang dumating ito sa Maco, Davao.

Hindi po siya nagkuwento sa amin at after two days mahinahon po namin siyang kinausap pero itinatanggi po niya na anak niya ang bata, halata po namin na may inililihim na problema si Vilma,” ayon kay Detros.

Sa panayam sa telepono, ikinagagalak namang tulungan ni Airport General Manager Ed Monreal si Lastima kapag makabalik na ito sa Maynila at i-endorso ito sa DSWD kapag isinagawa ang proper identification.

The airport authority is very willing to assist Vilma Lastima if ever she returns to Manila and retrieves her son,” ani Monreal.