Order na 26,000 assault rifles sa US, ipinakansela ni Pangulong Duterte sa PNP

Image capture of video by RTVM

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police (PNP) na kanselahin ang inorder nitong mga baril sa Estados Unidos.

Sa kanyang talumpati sa isang okasyon na ginanap sa Malacañang Lunes, ika-7 ng Nobyembre, sinabi ng pangulo na maghahanap na lang siya ng ibang source ng baril.

“Inutos ko ang pagkansela. Hahanap na lang tayo ng ibang mapagkukunan na maaaring mas mura at mas matibay,” ani Pangulong Duterte sa kanyang talumpati.

Matatandaang sinabi ng isang Amerikanong senador na tututulan niya ang pagbenta ng mga baril sa Pilipinas dahil sa mga human rights volations umano sa war on drugs ni Pangulong Duterte. Matapos niyon ay nagsabi rin ang US State Department na kakanselahin nila ang 26,000 assault rifles na inorder ng PNP.

Sa ulat ng GMA News Online, sinabi ng PNP na kinumpirma ng gun supplier na tuloy pa rin ang bentahan ng mga assault rifles at nakatakdang i-deliver ang mga iyon sa susunod na taon.

Ayon kay Pangulong Duterte, nakatakdang i-deliver ang mga baril sa July 2017, pero ipinakakansela na nga niya ito sa PNP.