Pinay hotel worker sa Oman na nawawala, natagpuang patay

Image from Chloe Kruise's Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Wala nang buhay nang matagpuan ang isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) sa Oman, isang araw matapos maiulat itong nawawala ng hotel na kaniyang pinagtatrabahuan.

Naiulat na nawawala Huwebes noong nakaraang linggo si Pinky Pamittan, isang empleyado ng Qurum hotel kung saan siya nagtatrabaho bilang waitress at housekeeping supervisor. Natagpuan ang kaniyang bangkay noong Biyernes na itinapon sa isang ‘wadi’ sa likod ng Sultan Qaboos Grand Mosque sa Muscat.

Pinaniniwalaang dinukot at ginahasa bago pinatay ang 31-anyos na tubong Tuguegarao, Cagayan, ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Royal Police of Oman (RPO).

Ayon sa tagapagsalita ng RPO, mayroon na umanong ‘dalawa hanggang tatlong suspek’ na nahuli at iniimbestigahan sa kaso.

“She was found on Friday and was working as a waitress in a hotel restaurant. So far we don’t know the cause of death, but her body is in the morgue. Initial reports suggest that she was kidnapped and raped,” pahayag ng opisyal ayon sa ulat ng Times of Oman.

“The incident most probably occurred on Wednesday after the management reported a missing person on Thursday. The police were only able to find her on Friday thrown in a wadi near the Sultan Qaboos Grand Mosque,” dagdag pa ng opisyal.

Isa umanong empleyado ng hotel ang iniimbestigahan din matapos itong hindi sumipot sa trabaho simula pa noong Huwebes, subalit tumanggi ang pulis na pangalanan ang nasabing suspek.

Si Pamittan ay pumunta sa Oman upang magtrabaho sa isang hotel doon at para suportahan ang kaniyang anak na naiwan sa tatay nito sa Pilipinas.

Hindi rin matanggap ng ina ni Pamittan na si Alice, isa ring OFW sa Amman, Jordan, ang sinapit nga kaniyang anak at humihingi ng tulong sa gobyerno ng Pilipinas para sa agarang paglutas ng kaso.

“Humihingi po ako ng tulong sa ating pamahalaan na matulungan nila ako. Ang hirap tanggapin ang ginawa nila sa anak ko. Sobrang pahirap ang ginawa nila, hindi ko kayang matanggap,” ayon sa ina ng biktima.

Nakatakda rin umano siyang lumipad patungong Oman para asikasuhin ang bangkay ng kaniyang anak na magdiriwang sana ng kaniyang ika-32 na kaarawan ngayong darating na Nobyembre 6.

Samantala, tumanggi namang magbigay pa ng karagdagang pahayag ang hotel tungkol sa kaso. Pinagbawalan din umano ang lahat ng staff na magkomento lalo na sa social media hangga’t hindi pa tapos ang imbestigasyon ng pulisya.

Nakikipag-ugnayan na rin ang embahada ng Pilipinas sa Muscat para mapabilis ang pagbiyahe ng ina ni Pamittan at makompleto na ang imbestigasyon.