Bagitong pulis na gustong “arborin” ang kaibigang nahulihan ng shabu, inaresto

Image from DWIZ

Isang bagitong pulis na kinilalang si Police Officer 1 Joblin Geraldo ang sumugod sa isang barangay hall sa Quezon City upang pakiusapan ang mga kapwa pulis na huwag na kasuhan ang kaibigan niyang drug addict na nahulihan ng shabu.

Ang kaibigan ni PO1 Geraldo na si Jun Dizon ay inaresto ng mga operatiba ng Batasan Complex Police Station matapos itong mahulihan ng dalawang sachet ng shabu noong Huwebes, ika-22 ng Disyembre.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, habang nagsasagawa ng paunang imbestigasyon ang mga pulis sa loob ng isang barangay hall, bigla umanong dumating si PO1 Geraldo na nagpakilalalng opisyal ng Rizal Provincial Police Office at kinausap ang mga humuli kay Dizon na huwag na itong kasuhan.

Hindi naman pumayag ang mga umarestong pulis, bagkus ay nagsagawa pa ng mas malalimang imbestigasyon kung saan napag-alaman nila na bago mahuli si Dizon ay kasama nito si PO1 Geraldo sa isang shabu session. Nagpositibo pa sa paggamit ng ilegal na droga si PO1 Geraldo at Dizon nang isailalim sila sa drug test.

Kinasuhan ng obstruction of justice ang bagitong pulis, na nagyon ay kasamang nakakulong ng kanyang kaibigan.