Kris Aquino at Maine Mendoza, Sabay Nanood ng “Enteng Kabisote”

Imahe mula sa Facebook Page ni Kris AquinoImahe mula sa Facebook Page ni Kris Aquino

Sabay nanood sina Kris Aquino at Maine Mendoza ng screening ng “Enteng Kabisote 10 and the Abangers” nitong Miyerkules.

Tila magkapatid na ang dalawa  dahil iisa ang kanilang manager, si Mr. Tony Tuviera.

Sa Facebook Live video ni Kris, masayang ibinahagi nito  ang pagkikita nila ng Dubsmash Queen nitong Miyerkules.

Ito umano ang unang pakikidaupang-palad ng “Queen of All Media” kay Maine, bago nito ipinakilala ang kaniyang sarili.

Matapos kamayan ni Kris si Maine, nagpasalamat ang Dubsmash Queen, sabay birong: “Ang lamig ng kamay mo” at  tinanong ni Kris kung pinanerbiyos siya nito at umamin si Maine na medyo kinabahan ito.

Nagsimula umanong magkuwentuhan ang dalawa tungkol sa kanilang hometown sa Bulacan. Ibinahagi ni Kris na ang kaniyang ina na si Pres. Corazon Cojuangco-Aquino ay tubong Malolos samantalang sa Sta. Maria naman ang pamilya ni Maine.

Ipinagmalaki naman ni Kris kasama ang  11 kabigan nito ang panonood ng “Imagine You and Me”,  pelikula nina Maine at Alden Richards kung saan ang tagpo ay kuha sa Italy. Ani Kris, nais niyang libutin ang katangi-tanging lugar sa hinaharap.

Talagang nasa bucket list ko, I have to go to Italy and spend my birthday there,” ayon sa dating ABS-CBN aktres. “Ang napuntahan ko lang ay yung sa Vatican, tsaka yung Florence,” ani Kris.

Napag-usapan din nila ang kanilang mga edad at mga zodiac signs. “Year of the Pig ka din? Oh my God, ka-age mo si Kuya [Noynoy Aquino] at si Josh (panganay na anak ni Kris).” Napagtanto ni Kris na parehong Year of the Pig  ipinanganak sina Noy, Josh at Maine.