PNP: “No Mercy” sa Indiscriminate Firing; Zero Casualty, Target sa Pagsalubong sa 2017

Dela Rosa

Mahigpit na ipatutupad ng Philippine National Police ang kampanya laban sa indiscriminate firing, at target umano ang zero casualty sa pagsalubong sa 2017.

Binalaan din ni PNP chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa ang publiko lalo na ang mga pulis na magpapaputok ng kanilang mga baril:

No mercy kami ngayon sa inyo. Kapag kayo’y nahuling nag-indiscriminate firing, you will face the full force of law, lalong-lalo na kung kayo ay pulis,” saad ni Dela Rosa.

Ang pagpapatrolya ng mga pulis sa mga komunidad ang nais ni Dela Rosa. Hinimok din nito ang mga local executives lalo na ang mga barangay officials na makipagtulungan sa PNP.

Inatasan ni Dela Rosa ang mga pulis na kanselahin ang kanilang holiday leave at magpatrolya sa pampublikong lugar mula 5 p.m. ng Disyembre 31 hanggang 5 a.m. ng  Enero 1.

Sa ulat ng Bombo Radyo, agad katukin ang mga bahay ng sinumang magpapaputok at  kapag tumangging magpapasok, gumawa ng paraan  upang mapasok ang loob ng bahay; ito ay bilin ni Dela Rosa sa mga pulis.

Panawagan ni Dela Rosa sa mga hepe na gampanan ang kanilang trabaho at siguruhing walang magaganap na indiscriminate firing sa mga lugar na kanilang saklaw sa pagsalubong sa 2017.

Babala pa ni Dela Rosa na kapag hindi nagampanang mabuti ang kanilang trabaho ay ipatatanggal sila sa serbisyo.

Dagdag pa rito ay sasampahan umano ng kaso ang mga lalabag sa kaniyang direktiba.