PWD Law, Ipatutupad Na

Nilagdaan na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo ang  pagpapatupad sa patakaran at alituntunin ng Republic Act 10754; ang batas na naglalayong palawigin ang benepisyo at pribilehiyo ng mga Persons with Disability (PWD).

Sa ulat ng Abante Tonite, ani dating Congressman Martin Romualdez, mararamdaman na ang malasakit ng pamahalaan sa mga taong may kapansanan matapos malagdaan ang implementing rules at regulation (IRR) ng PWD Law.

Magugunitang si Romualdez ang may-akda at nagsulong ng PWD law sa Kongreso sa pag-amyenda ng Republic Act 7277, o ang “Magna Carta for Persons with Disability,” na maglilibre sa PWD sa value added tax (VAT) at ipinaglaban ito hanggang maging ganap na batas kahit pa kontra-partido ito sa nakaraang administrasyong Aquino.

Sa ilalim ng batas, ang PWDs ay exempted sa 12%  VAT sa mga sumusunod (1) land transportation, domestic air at sea travels; (2) sa singilin at bayarin sa serbisyong medikal at dental kabilang ang diagnostic at laboratory fees, at professional fees ng mga doktor sa pampubliko at pambribadong hospital at medical facilities; (3) sa mga gamot; (4) sa burol at libing; (5) sa singilin at bayarin sa hotels, restaurants at recreation centers; (6) at admission fees sa theatres, cinema, concert halls, at iba pang lugar ng culture, leisure at amusement.

Ayon kay Romualdez, patuloy ang malasakit sa mga Pilipino sa buong mundo, dahil makikinabang  din ang mga OFW sa naturang batas na napinsala sa kanilang mga hanapbuhay sa ibang bahagi ng daigdig.

Saklaw din ang mga pamilyang nangangalaga sa mga taong may kapansanan sapagkat makapagkakaltas sila ng P25,000 sa kanilang taunang buwis.

Kabilang sa mga dumalo sa paglagda ng IRR sina Senador Sonny Angara na tagapagsulong sa Senado at si Congresswoman Yedda Romualdez.

Ang batas ay magkakabisa 15 araw matapos mailathala ang IRR sa mga pahayagan para sa pangkalahatang sirkulasyon.