Taguiwalo humingi ng paumanhin matapos ‘makuryente’ tungkol sa balita ng pagsabog sa Leyte

Images from DSWD Sec. Judy M. Taguiwalo/ Hilongos Leyte Bombing Facebook pages

MAYNILA, Pilipinas – Inamin ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary na nakuryente siya tungkol sa lumabas na balitang mayroong namatay sa naganap na pagsabog sa isang bayan sa Leyte Miyerkules ng gabi, Disyembre 28.

Matatandaang nagmula kay Taguiwalo ang impormasyong ibinahagi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa mga mamamahayag kung saan sinabi ng huli na 10 ang namatay habang 20 naman ang nasugatan.

Ibinahagi pa sa Facebook page ng PTV 4 ang naturang impormasyon subalit tinanggal din ito kinalaunan.

Nilinaw rin kaagad ito ni Taguiwalo sa isang panayam ng mga mamamahayag Huwebes ng umaga.

“Pasensya na Asec. Abella dahil ala-una ng madaling araw nang pinaabot sa akin ng regional director ng Leyte ang nangyari ng pambobomba sa Leyte at ang initial na ulat ay may 10 patay,” paliwanag ng DSWD chief.

“Hindi ho totoo yan. Kung nakuryente ho tayo, ako ho ang may kasalanan, hindi ang ating spokesperson,” pag-aako nito sa maling balita.

Sa pinakahuling ulat ng Philippine National Police  (PNP) Regional Office 8, umabot na sa 31 ang nasugatan matapos sumabog ang dalawang pirasong improvised explosive device (IED) sa kalagitnaan ng isang boksing sa ginanap na piyesta ng bayan ng Hilongos.

Ang pagsabog ay nangyari pasado alas-9 1ng gabi sa Hilongos Municipal Plaza. Karamihan sa mga biktima ay isinugod sa Hilongos District Hospital.

Samantala, mayroon umanong pangatlong IED na natagpuan sa lugar ang mga imbestigador subalit hindi ito sumabog.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad na pinangungunahan ng Hilongos Police Office, scene of the crime operatives (SOCO) mula sa Ormoc City Police Office, at ng Philippine National Police Explosive and Ordnance Division ang insidente upang matukoy kung sino ang nasa likod nito.