[VIDEO] Paolo Ballesteros, suportado ng anak sa kanyang pagiging ‘crossdresser’

Mga imahe mula sa Instagram video ni Paolo Ballesteros at sa FB account ni Andrea Macapugay Santiago.

Suportado umano ng nag-iisang anak ng komedyanteng si Paolo Ballesteros pagiging crossdresser niya. Ito ay sinabi ng aktor matapos mag-post ng kanyang anak sa Instagram upang i-congratulate siya sa kaniyang pagkapanalo.

Si Paolo ay itinanghal na Best Actor sa Tokyo International Film Festival na ginanap nitong Oktubre para sa independent film niyang, “Die Beautiful”. Siya ay gumanap sa naturang pelikula bilang isang “transsexual.” Ipapalabas ang “Die Beautiful” sa paparating na Metro Manila Film Festival (MMFF) 2016.

Saad ni Paolo, bata pa lamang daw ang anak niyang si Keira ay nakikita na siyang nagdadamit pambabae.

“Kasi naman lumaki siya sa akin no’ng bata pa siya, bago siya pumunta ng Chicago… Nakikita na niya akong nagme-makeup, ‘yung high-heels ko,” sabi Paolo, ayon sa isang artikulo ng Philippine Entertainment Portal.

Noong bata pa raw si Keira, hinggil kay Paolo, ay pinaglalaruan niya ang mga wig ng ama kaya batid niya na parte ito ng trabaho.

“’Yung mga laruan niya sa bahay mga wigs ko, so alam na niya na it’s part of the work…Kapag may event sa school ako ‘yung nagmi-makeup sa kanya, mahilig naman kasi, e,” sabi ng komedyante.

Sabi naman ni Paolo, hindi lamang daw niya alam kung ano ba ang nasa isip ng kanyang anak kapag nakikita niya itong nakadamit pambabae. Dagdag pa niya, hindi pa umano tinanong ni Keira kung ano ang kanyang tunay na sekswalidad.

Nang tanungin kung ano ang isasagot ni Paolo kapag nagtanong ang kanyang anak, ito ang pabirong sagot niya : “I’ll cross the bridge when I get there. [Sasagutin ko iyan kapag tinanong na niya ako.]”

Panoorin ang video ng pagbati ni Keira sa kanyang ama na ipinost sa Instagram:

Thank you anak ilove you and i miss you too! 😘😘😘😘😘❤️

A post shared by Paolo Ballesteros (@pochoy_29) on