Aguirre iginiit na totoong inambush si Lalaine Madrigal Martinez sa Makati

Images from PTV 4/DWIZ Facebook pagesImages from PTV 4/DWIZ Facebook pages

MAYNILA, Pilipinas – Iginiit ni Department of Justice (DOJ) Vitaliano Aguirre na totoo ang impormasyon na nakarating sa kaniya na inambush umano ang pinsan ni dating Senador Jamby Madrigal na si Lalaine Madrigal Martinez.

Si Lalaine Martinez ang  asawa ng high-profile inmate na si Noel Martinez; isa sa mga bilanggo na tumestigo laban kay Senador Leila De Lima at lider ng Genuine Ilocano (GI) sa Bilibid.

Matatandaang isiniwalat ni Aguirre ang umano’y pananambang kay Martinez sa isang panayam sa DZMM noong Biyernes. Naganap umano ang ambush noong umaga mismo ng araw na iyon sa may Circuit Mall malapit sa may Sta. Ana racetrack.

Subalit pinabulaanan naman ito ng hepe ng Makati Police dahil wala umano sa record nila ang ambush na sinasabi ni Aguirre.

Maging ang Santa Ana police station ng Manila Police District (MPD) ay itinanggi rin na may isang Lalaine Madrigal Martinez na tinambangan sa naturang lugar.

Totoo ang ambush

Subalit nitong Lunes, iginiit ni Aguirre na totoong naganap ang pananambang at nagpakita pa ito ng larawan ng isang windshield ng kotse na may tama ng baril at isang babae na duguan ang damit subalit hindi ipinakita ang mukha.

“The ambush is real, I am no liar!” depensa ng kalihim.

Kuwento pa nito, daplis lang umano ang tama ng babae at wala umanong record sa pulisya dahil nagpasya ang biktima na ‘wag na lang i-report ang pangyayari.

“Actually ang report niya, sa telepono, tinawagan niya, inambush daw siya, hinihintay daw niya ang pulis. Pero siguro nagbago ang isip, huwag nang i-report, kaya nag self-medicate na lang daw siya, sa kapatid niya,” paliwanag pa ng kalihim.

Imbestigasyon

Nag-utos na rin si Aguirre sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pangyayari.

“The claim of an ambush by Lalaine Madrigal-Martinez is a serious matter. As Justice Secretary, I take such report, especially by the supposed victim, seriously. I will be remiss in my duty if I did not take it seriously,” dagdag pa ng opisyal.

Loading...