Bianca, kinumpirmang kasama sila ni Miguel sa Mulawin remake; pinabulaanan ang isyung break na sila ng aktor

Mga imahe mula sa FacebookMga imahe mula sa Facebook

Kasabay ng kumpirmasyon na magkakasama sila ni Miguel Tanfelix sa Mulawin remake, itinanggi ng popular young actress na si Bianca Umali na hiwalay na sila ng aktor.

Ayon sa PEP, nilinaw ni Umali ang isyu tungkol sa umano’y breakup nila ni Tanfelix. Aniya, wala naman daw silang tatapusin dahil hindi pa naman nagsisimula ang lahat sa kanila.

“Hindi pa nga po nagiging kami, break na agad? Grabe naman yun!” aniya.

Aminado naman ang dalaga na nagde-date naman silang dalawa ng aktor — ngunit palaging kasama ang pamilya.

“With family po. Sometimes po after work, kapag may konting time pa, lumalabas po kami,” pagbabahagi niya.

Nagkakaroon din daw sila ng mga tampuhan ngunit mabilis din nilang naayos ang mga bagay-bagay.

“Nagkakatampuhan po kung minsan, pero tampuhan lang. Kumbaga, mabilis lang. Siguro mga konting oras lang, tapos okay na ulit,” wika niya.

Mulawin vs Ravena

Samantala, kinumpirma naman ni Umali na magkakasama sila ni Tanfelix sa Mulawin remake, ang Mulawin vs Ravena. Masayang ipinahayag ng aktres na natupad na ang pangarap niyang makasama sa nasabing palabas.

“Talagang love na love ko ang Mulawin before. Bata pa po ako, talagang dream ko na ma-experience kung paano sila lumipad. Tapos ngayon, kasama na po ako sa cast ng remake,” aniya.

At natuwa rin siya noong nalaman niya na magkakasama sila ni Tanfelix sa nasabing programa.

“Opo naman po. Ayoko pa pong sabihin ang role, pero yes po, magkikita po kami ni Miguel sa Mulawin,” wika niya.

Gayunman, nauna nang nagkaroon ng rumor na mababalik si Tanfelix sa Mulawin upang gampanan muli ang karakter ni Pagaspas.

Sa pagbabalik-telebisyon ng Mulawin, pagbibidahan ito ng Kapuso actor na si Dennis Trillo, na minsan na rin naging bahagi ng nasabing programa. Si Trillo ang gumanap noon sa papel ni Gabriel, isang mortal na sa kalaunan ay napag-alamang prinsipe pala ng mga Ravena.