Mahigit 200 pulis hindi sumipot sa takdang araw ng deployment nila sa Basilan

Image from Tempo

Ipinagwalang-bahala ng mahigit 200 pulis ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-deploy sila sa Mindanao, partikular na sa Basilan.

Ayon sa Philstar, 53 lamang sa 287 na mga pulis na sangkot sa iba’t ibang kaso na ipinag-utos ni Pangulong Duterte na ma-reassign sa Basilan ang nagpakita ng kahandaan para sa bagong assignment na itinalaga para sa kanila.

Sinabi ni National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde na binibigyan ng tatlong araw upang magpaliwanag ang mga pulis na hindi sumipot.

“Hindi naman sila mga wanted o persons of interest kaya bibigyan sila ng pagkakataong magpaliwanag kung bakit hindi sila sumipot sa reaasignment sa Basilan, ani Albayalde.

Sa loob ng tatlong araw ay maaari pang magtungo sa Basilan ang mga pulis na hindi dumating sa itinakdang araw, pero sasagutin na nila ang kanilang pamasahe patungo roon.

Kung sakaling hindi pa rin sumipot ang mga pulis ay ikokonsidera na silang AWOL (Absent without official leave) at kakasuhan pa ng pagsuway sa kautusan ng Commander-in-Chief.