Rep. Alonte pinabulaanan ang tangkang panunuhol umano ng P100-M sa mga inmate

Image from Asia Pacific Cities Summit

MAYNILA, Pilipinas – Mariing pinabulaanan ni Laguna representative Marlyn “Len” Alonte-Naguiat ang alegasyon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na isa siya sa mga nagtangkang suhulan ng P100-M ang walong preso para lamang bumaliktad ito sa kanilang naunang testimoniya laban kay Senador Leila De Lima.

Matatandaang inakusahan ni Aguirre sina Alonte at dating Senador Jamby Madrigal kasama ang isang abogadong nagngangalang Alvin Herrera na umano’y nasa likod ng planong panunuhol sa mga Bilibid inmates.

Subalit ayon kay Alonte wala umano siyang kilala sa alin man sa mga preso at hindi rin siya tumawag para kausapin ang mga ito at kumbinsihin sa kanilang plano kapalit ng malaking halaga.

“Hindi ko po alam kung paano nila nakuha ‘yung ganiyang issue. Ako naman ho ay willing ho na humarap kay Sec. Aguirre at kahit po siguro kung sino ‘yung nagsabi sa kaniya ay pwede niyang iharap sa akin at taas-noo ko ho ‘yang haharapin kahit ho umabot ho na magpa-lie detector test ho kami ng nagsabi no’n ay okay lang po sa akin,” paliwanag ng mambabatas sa isang panayam sa radyo.

Iginiit din ng congresswoman na suportado niya si Pangulong Rodrigo Duterte bilang isang kasapi ng PDP-Laban.

Si Alonte any dating miyembro ng Liberal Party (LP) subalit lumipat sa PDP-Laban; ang partido ng mayorya sa Kongreso at ni Duterte.

Wala umano siyang balak na sirain ang pangalan ng partidong kinabibilangan, lalo na ang kaniyang sariling pangalan bilang pulitiko. Hindi rin niya umano kilala si Jamby Madrigal na idinawit din ni Aguirre sa kontrobersiya.

“Nasisira po ang aking pangalan at nasisira ang pangalan ng aking bayan na aking nirerepresenta. Sana po bago nakapaglabas ng ganitong statement, sana po tingnan muna nila,” dagdag pa nito.

Samantala, hindi pa naglalabas ng sariling pahayag is Madrigal na kasalukuyang nasa Europa, ayon sa mga staff nito.