Sekyu patay matapos makuryente ng naka-charge na cellphone

Image from BuzzleImage from Buzzle

MAYNILA, Pilipinas – Patay ang isang security guard sa Puerto Princesa, Palawan matapos makuryente ng kaniyang naka-charge na cellphone noong Huwebes, ika-23 ng Pebrero.

Nakilala ang biktima na si Rolan Beharang, 23 anyos at residente ng Bgy. Tagburos sa nasabing lungsod.

Ayon sa kuwento ng tiyuhin ng biktima na si Arman Beharang sa Palawan News, nagcha-charge umano ang kanyang pamangkin ng kaniyang cellphone na basag ang screen. Bigla itong na-ground at hindi sinasadyang nabitawan ang cellphone na naipatong sa kaniyang dibdib.

Nakatawag pa umano ang biktima sa kaniyang misis na si Christine na noon ay nasa ikalawang palapag ng bahay.

“Noong time na ‘yun, nagpapatulog ako ng anak ko tapos noong natulog na, bumaba po ako. Bago ko siya nakita, sabi niya, “Gang, nakuryente ako,'” kuwento ng asawa.

Matapos hugutin ng misis ang charger mula sa saksakan ay tumalsik umano ang biktima. Sinubukan pang isugod sa pagamutan ang guwardiya subalit binawian din ito ng buhay.

Samantala, inireklamo naman ng mga kaanak ng namatay ang  Kilos Agad Action Center (KAAC) ng lungsod.

Ayon sa kaibigan ng pamilya na si  Leni Yakit, 11 beses silang tumawag sa hotline subalit walang sumasagot sa kabilang linya.

Ang ibinigay umanong dahilan sa kanila ay ‘busy’ ang mga tauhan dahil ‘nagpalit ng mayor’ sa lungsod.

Kinumprima naman ng lokal na pamahalaan ang pagkamatay ni Beharang dahil sa pagkakuryente.