SUV driver na pumatay sa isang motorista, hina-hunting na ng awtoridad

Images from Erwin Ilao's Facebook postImages from Erwin Ilao's Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Pinaghahahanap na ngayon ng mga awtoridad ang driver ng SUV na umano’y bumaril at pumatay sa isang motorista sa Quezon City noong Sabado, ika-25 ng Pebrero.

Bagama’t wala pang pagkakakilanlan sa may-ari ng Toyota Land Cruiser na may plakang AHA 3454, isinalarawan ng ilang testigo ang suspek na nasa edad 35 hanggang 40 anyos.

Makikiapag-ugnayan din umano ang Quezon City Police District (QCPD) sa Land Transportation Office (LTO) ngayong araw ng Lunes para matukoy kung kanino naka-rehistro ang naturang sasakyan.

Kasalukuyan na ring inihahanda ang composite sketch ng naturang suspek.

Matatandaang binaril at napatay si Anthony Mendoza, 27 anyos at isang IT professional ng SUV driver na kaniyang nakaalitan matapos magkagitgitan sa may kanto ng Quezon Avenue and D. Tuazon Street.

Muntik na umanong masagi ng SUV ang Yamaha Fino na motorsiklo ni Mendoza na kagagaling lang sa Banawe para bumili ng piyesa ng sasakyan kasama ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Michael.

Sa gitna ng mainitang pagtatalo ang dalawa, bumunot umano ng baril ang SUV driver at pinaputukan si Mendoza sa ulo na agad nitong ikinamatay.

“Simpleng gitgitan lang at walang pasensya sa isa’t isa. Ito pong driver ng SUV ay agad na bumunot ng baril, hindi na bumaba ng kanyang sasakyan,” ayon kay  QCPD director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, sa panayam ng DZMM. “Isang putok lang tinamaan ang biktima at ito ang kanyang ikinasawi.”

“Itong road rage na ito, kung iisipin natin e walang ka-kuwenta-kuwenta ang pinagsimulan subalit nag-iwan ng kamatayan, ” dagdag pa ng opisyal.

Umapela rin sa mga posibleng testigo na nakasaksi sa pangyayari ang QCPD na lumutang upang mabigyang linaw na ang kaso sa madaling panahon at para sa agarang ikahuhuli ng supsek.

Loading...