[Video] CHED: Walang Bisa ang ‘Waiver’ ng mga Paaralan sa Field Trips

Larawan mula sa ABS-CBN News via Facebook page

“Kahit ipapirma mo iyan sa mga estudyante, mga magulang — kahit po puwersahin — wala pong bisa iyan dahil ang importante po, dapat nagbigay ng due diligence ang eskwelahan para sa kapakanan, kaligtasan ng kanilang mga estudyante.”

Ito ang iginiit ni Engr. Ronaldo Liveta ng Commission on Higher Education-Office of Student Affairs. Aniya, walang bisa ang waiver ng mga paaralan sa field trips.

Ayon kay Fr. Ranhilio Aquino, dean ng San Beda Graduate School of Law na “walang epekto” ang waiver sa ilalim ng Civil at Family Codes, ayon sa ulat ng DZMM.

Dagdag pa ni Fr. Aquino, ang obligasyon ng paaralan ay hindi maaaring alisin dahil ito ay nasa batas.

“If it is an obligation imposed by law, you cannot waive away the obligation… Waivers are not of any use kung ang pakay nila ay balewalain ang obligasyon ng teacher at eskwelahan na tingnan mabuti ang kalagayan ng mga bata,” paliwanag ni Aquino.

Ang nasabing waiver ay may kinalaman sa aksidenteng sinapit ng mga estudyante ng Bestlink College of the Philippines-Novaliches na sumama sa field trip.

Nauwi sa trahedya ang nasabing field trip, kung saan sumalpok ang bus ng mga estudyante sa isang poste sa bahagi ng Magnetic Hill, Tanay, Rizal.

Labing-lima rito ay namatay; sampu ang idineklarang dead on the spot at lima ang pumanaw sa ospital.

Ang Commission on Higher Education (CHED) ay gagawa ng imbestigasyon hinggil sa diumano’y sapilitang pinasasama ang mga estudyante sa field trip na bahagi ng kanilang National Service Training Program (NSTP), saad ni Liveta.

Inutos rin ng CHED sa Bestlink na magsumite ng ulat tungkol sa insidente.

Samantala, isinusulong ni CHED commissioner Prospero De Vera na ipagbawal ang field trip habang iniimbestigahan ang aksidente na nangyari.

Panoorin ang iba pang detalye sa panayam ng DZMM