10 Pakistani na patungong Basilan, nasabat ng Coast Guard

Image capture of video by Eagle News Image capture of video by Eagle News

Sampung Pakistani nationals na patungong Basilan ang hinarang ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang pantalan sa Zamboanga City.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, nadiskubre ang mga Pakistani sa loob ng commercial vessel na MV Stephanie Marie 1 na patungong Basilan nang magsagawa ang PCG ng pre-departure inspection. Wala umanong maipakitang pasaporte ang mga dayuhan.

Sabi ni Lt. Com. Alvin Dagalea, ang commander ng Coast Guard station Zamboanga, isang invitation letter lang mula sa isang Muslim organization ang ipinakita ng mga Pakistani, na kinabibilangan ng limang lalaki at limang babae.

“During the interview, sabi nila galing sila sa Marawi City at papunta sila sa Basilan pero hindi natin alam kung ano ang pakay nila. Ang kailangan talaga ay mga legal documents. Tinanong natin kung may documents sila pero wala silang naipakita kaya dinala na natin sila sa Bureau of Immigration,” pahayag ni Dagalea.