14 na Abu Sayyaf, napatay ng militar sa loob ng dalawang linggong sagupaan

Imahe mula sa Philippine Military Analysis and Updates FB page.

Labing-apat na miyembro ng bandidong grupong Abu Sayyaf ang napatay, samantalang apat naman ang nadakip sa loob ng dalawang linggong sagupaan sa Sulu at Basilan. Ito ay inilahad ng militar noong Sabado, Marso 4.

Hinggil naman kay Western Mindanao Command spokesperson Capt. Jo-Ann Petinglay, 29 na sundalo ang nasugatan sa dalawang magkahiwalay na engkwentro sa Sulu ngayong linggong ito lamang.

Saad ni Petinglay, kahit marami mang nasaktan mula sa militar, tumataas naman umano ang bilang ng mga napatay na miyembro ng bandidong grupo. Ito umano ay isang indikasyon na ang militar ay epektibo sa kanilang kampanya laban sa terorista sa Sulu at Basilan.

Pero sinabi rin niya na wala pa raw sa mga napatay na miyembro ng Abu Sayyaf ang napasakamay nila. Ang impormasyon umano ay galing sa mga residente na nakasaksi ng paglilibing sa mga ito.

“Although there were no body counts recovered, the locals provided the information to operating troops that bandits carried with them their wounded and some were immediately buried in separate areas near the encounter sites,”sabi ng tagapagsalita ng militar, ayon sa isang artikulo ng Inquirer.net.

[Kahit walang nakuhang mga katawan ng mga rebelde, ang impormasyon namang hawak namin ay mula sa mga lokal na nananahan doon. Sinabi nila sa ating mga hukbo roon na ang mga bandido ay inililibing agad ang kanilang mga namatay na kasamahan kung saan naganap ang engkwentro.]

Ang mga sagupaan sa Sulu at Basilan ang mga pinakamalaki, sabi ni Petinglay.

Ayon kay Col. Juvymaz Uy, commander ng Task Force Basilan, ang mga miyembro ng bandidong grupong Abu Sayyaf ay naaresto noong Pebrero 27.

Matatandaan na kailan lamang ay nag-anunsyo si Department of National Defense (DND) Sec. Delfin Lorenzana  na ang pamahalaan ay naka- “all-out war” laban sa teroristang grupong Abu Sayyaf.

Hinikayat naman ng kalihim ng DND ang mga residente sa mga apektadong lugar na makipagtulungan sa militar upang masugpo ang naturang grupo.