19 na babaeng fetus natagpuan sa isang sewer sa India

Image from www.birthandbeyondindia.comImage from www.birthandbeyondindia.com

Natagpuan ng mga pulis ang 19 na bagong panganak na sanggol na babae sa isang itinapong plastic bag sa sewer sa  Maharashtra, India nitong  Lunes, ika-6 ng Marso.

Kaagad na naglunsad ng imbestigasyon ang lokal na awtoridad para matukoy kung sino ang nasa likod ng karumal-dumal na pangyayari na pinaghihinalaang mga bunga ng abortion sa lugar.

Laganap sa India ang tinatawag na ‘female feticide’ na raket, kung saan ang mga babaeng sanggol ay itinatapon na lamang dahil mas gusto ng pamilya ang sanggol na lalaki.

Suspek sa krimen sa nasabing probinsiya ang isang manggagamot na posibleng siyang gumagawa ng abortion sa isang village, subalit pinaniniwalaang nagtatago na ito ngayon.

Isang batas sa India ang nagbabawal sa mga doctor at mga health worker na isiwalat ang kasarian ng sanggol sa kanilang magulang bago ito ipanganak, o pagsasagawa ng mga pagsusuri para malaman kung babae o lalaki ang bata sa sinapupunan upang maiwasan ang pagpapalaglag dito.

Isang malawakang tradisyon sa bansa ang pagbibigay ng tinatawag na ‘dowry’ ng mga partido ng isang babaing ikakasal sa pamilya ng kaniyang magiging asawa.

Itinuturing ng maraming pamilya sa India na magastos ang pagkakaroon ng anak na babae samantalang wala namang masyadong pakinabang sa kanila kapag mag-aasawa na.

Samantala, ayon sa ulat nadiskubre ng mga pulis ang mga patay na sanggol matapos maglunsad ng imbestigasyon tungkol sa pagkamatay umano ng isang 26-anyos na babae sa lugar matapos magpa-abort.

Kasalukuyan nang tinutugis ng mga awtoridad ang posibleng suspek na may kinalaman sa krimen.

Loading...