2 eroplano nagbanggaan sa ibabaw ng isang shopping mall

Image capture of video by CTV News

Dalawang maliit na eroplanong Cessna 1523 ang nagbanggaan sa ere sa ibabaw ng isang shopping mall sa Montreal noong Biyernes ng hapon, ika-18 ng Marso.

Ayon sa ulat ng CTV News, patay ang 21-anyos na piloto at sugatan naman ang 23-anyos na piloto ng nakabanggaang eroplano. Kapwa solong nagpapalipad ng kanilang eroplano ang dalawa nang maganap ang trahedya.

Ang eroplano ng namatay na piloto ay bumagsak sa parking lot ng Promenades Saint-Bruno shopping center, samantalang bumagsak naman sa ibabaw ng shopping center ang isa pa.

Inaalam na ng mga awtoridad ang dahilan ng banggaan. Anila, maaliwalas namana ang panahon nang maganap ang aksidente.

Ang Cargair – isang flight at pilot training school at may-ari ng dalawang eroplano na sangkot sa banggaan – ay hindi nagbigay ng pahayag tungkol sa insidente, bagama’t sinabi nito na nakikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad sa ginagawang imbestigasyon.