2 miyembro ng Maute group na sangkot sa ilegal na droga, patay sa isang police operation

Maute Group| Image from Mail OnlineMaute Group| Image from Mail Online

MAYNILA, Pilipinas – Patay ang dalawang lalaki sa isang drug operation ng pinagsamang puwersa ng pulis at militar sa Lanao del Sur nitong madaling araw ng Martes, ika-7 ng Marso.

Nakilala ang mga biktima na sina Cairodin Anto at Pango Anto, kapwa residente ng Barangay Bato-Bato sa bayan ng Maguing. Ang dalawa ay sangkot umano sa ilegal na droga at miyembro rin ng notoryus na teroristang Maute group.

Ayon sa mga awtoridad, nagsilbi ng search warrant ang pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng Philippine Army’s 103rd Brigade sa bahay ng mga suspek nang paputukan umano sila nito.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis at sundalo na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa. Dalawang miyembro rin ng Army ang nasugatan sa engkuwentro.

Napag-alaman na nagbebenta ng ilegal na droga ang mga suspek sa lugar kasama pa ang dalawang kasamahan ng mga ito na nakilalang sina Baulo Anto at Sultan Abdullah Pundogar na nakasama rin sa search warrant.

Hindi naman sinabi sa ulat kung kasamang naaresto sa operasyon sina Baulo at Pundogar.

Narekober sa mga napatay ang ilang baril na M 16, mga bala at ilang piraso ng pinaghihinalaang shabu.

Loading...