2 patay sa pamamaril ng nag-amok na pulis sa Ilocos Sur

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Dalawa ang patay at tatlo pa ang sugatan matapos magwala ang isang pulis sa loob ng isang resto bar sa bayan ng Sta. Maria, Ilocos Sur nitong Sabado ng gabi, ika-18 ng Marso.

Ayon sa police report ng Ilocos Sur Provincial Police Office, nangyari ang pamamaril sa loob ng Ally’s Restobar sa Barangay Manganay Sur bandang alas-11:30 ng gabi.

Nakilala ang mga namatay na sina Marcial Antolin at Mark Hanzel Ordonez, 25-anyos, isang magasasaka at residente ng Brgy. San Pablo, bayan ng San Esteban sa nasabi ring probinsiya.

Kinilala naman ang suspek na si  PO1 Randy Castro Garnace, 26-anyos, isang pulis na nakadestino sa Drug Enforcement Group ng Navotas City police.

Sugatan din sa pamamaril sina  Felipe Pineda, Richard Jacosalem at Isagani Calibuso, na pawang kasama ng mga namatay, at si Raymon Cabanting, ang bouncer ng naturang bar.

Base sa imbestigasyon, palabas na umano ang grupo nina Antolin at Ordonez nang paulanan ito ng bala ng suspek sa hindi pa malamang dahilan. Nakuha  pa umanong bumalik sa restobar sina Calibuso at Antolin, subalit sinundan ito ni Garnace at muling pinagbabaril.

Naisugod pa sa Ilocos Sur District Hospital sa bayan ng Narvaca ang mga sugatang biktima subalit binawian din ng buhay sina Antolin at Ordonez.

Kusa namang sumuko sa mga nagrespondeng pulis ang suspek at ngayon ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng Ilocos Sur Provincial Police Office.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 13 basyo ng bala na nagmula sa isang Caliber .9mm na baril.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang kaso at inaalam pa kung ano ang dahilan ng pagwawala ni Garnace.