23 kilo ng marijuana nalambat ng mangingisda sa Southern Leyte

Image from The 420 Times Image from The 420 Times

Isang malaking kulay asul na container drum ang nakita ng isang mangingisda na palutang-lutang malapit sa dagat sa San Ricardo sa southern Leyte kamakailan lang. Laking gulat umano ng mangingisda nang makitang pinatuyong dahon ng marijuana ang laman ng drum.

Ayon sa Bombo Radyo, nangingisda noon si Diosdado Bakhawon nang mapansin niya ang lumulutang na drum. Agad niya itong inahon mula sa dagat at dinala sa pampang. Nang usisain niya ang laman niyon ay tumambad sa kaniya ang marijuana na nakalagay sa 22 plastic bags.

Umabot sa 23.5 kilos ang marijuana. Agad naman niyang inireport at isinuko sa pulisya ang nadiskubre.

Sa pagtataya ng pulisya, matagal na umanong itinapon sa dagat ang drum na may lamang marijuana dahil na rin sa mga taliptip o rock oysters na nakakapit na doon.

Patuloy namang inaalam ng pulisya kung sino ang nasa likod ng pagtatapon ng marijuana sa dagat.