3 bata, minasaker ng sarili nilang ina sa Isabela

Image from Hive Mind Image from Hive Mind

Patay ang tatlong bata matapos umanong masakerin ng sariling ina sa bayan ng Burgos sa Isabela.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, ang ina ang pumatay sa tatlo niyang mga anak sa pamamamagitan ng pagsakal. Pinaniniwalaan na wala sa tamang pag-iisip ang suspek na si Marilyn Foronda kaya nito nagawa ang karumal-dumal na krimen.

Kinilala ang mga biktima na sina Adam McWane, 3; Stephen Dane, 2, at Shansha Sarah, tatlong buwang gulang. Isang kapatid nila, si Casidy Misha, 7, ang nakaligtas nang tumakbo ito palayo sa ina.

Ayon naman sa mga hindi makapaniwalang mga kapitbahay ng suspek hinggil sa nagawa nito, wala namang problema ang ginang bago maganap ang pamamaslang. Ang asawa ng suspek ay isang seaman na kasasakay pa lang umano ng barko.

Patuloy pa umanong nangangalap ng impormasyon ang pulisya kung ano ang dahilan o motibo ng ginang at nagawa nitong patayin ang sarili niyang mga anak.

Matatandaang noong Hunyo ng nakaraang taon ay pinatay din ng isang ina, 26-anyos, ang tatlong-taong-gulang niyang anak na nagtamo ng pitong saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan nito. Ang karumaldumal na krimen ay nangyari umano sa KCC Venterdeck, Barangay Kapitbahayan sa Navotas City, ayon sa Tapat News.