3 lalaki, magkakasunod na Dinukot; Natagpuang Patay

File photo

Matapos dukutin sunod-sunod ang tatlong lalaki sa isang barangay sa Navotas ng mga hindi pa nakikilalang salarin ay natagpuang patay ang mga ito.

Ani Nieves Suldao, tinanong ang kanyang anak na si Arjay, 16-anyos, ng tatlong lalaki kung kilala nito ang nasa larawan na alyas ‘Muslim’. Aniya, nang sumagot si Arjay na kilala niya, isinakay ito sa motor, tinakpan ang mukha at pinatuturo kung nasaan ang hinahanap nila.

Ani Suldao, natagpuan ang bangkay ni Arjay, apat na araw ang makalipas malapit sa kanilang bahay. Aniya, nakita nila si Arjay na nakatali ang kamay at maaaring nakaluhod na binaril.

Kinilala ng mga residente si Muslim na si Jeremy Sajorda.

Ayon sa mga kamag-anak ni Sajorda, dinukot si Jose, ama ni Jeremy, sa kanilang bahay nang hindi natagpuan ng mga salarin si Jeremy.

Natagpuan na lamang na patay si Jose, ayon sa ulat ng GMA.

Si Axl John Rodriguez, 20-anyos, ay dinukot din sa parehong araw na natagpuang ang bangkay ni Jose.

Ayon sa nakababatang kapatid ni Axl John, naka-motor ang mga salarin nang pumunta ito sa kanilang bahay.

Dagdag pa ng kapatid ni Axl John, pumasok ang salarin sa kanilang bahay at tinanong siya kung may kilala siyang AJ na may tattoo sa kamay. Nang sinabi niya na wala, pinalabas umano ng mga salarin si Axl John at saka tinangay.

Natagpuan ang bangkay ni Axl John malapit sa bahay nito, ilang oras matapos ang insidente.

Ayon kay Suldao, hindi na siya umaasang makakamit ang hustisya dahil maraming kaso ang hindi pa nareresolba.

“Magrereklamo po ako kung wala rin naman akong mahahabol. Lahat naman ng nabaril dito wala namang nag-imbestiga sa kanila eh. Wala namang nagtanong na pulis,” giit ni Suldao.

Tumangging magbigay ng pahayag ang hepe ng Navotas City PNP Investigation Division hinggil sa nasabing komento, ngunit sinabi na magkakaroon ng masusing imbestigasyon sa mga kaso.

Ayon sa datos ng Philippine National Police, 5,882 na kasong pagpatay ang nasa ilalim ng imbestigasyon mula pa noong Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 23, 2017.

Source :

GMA, Facebook