3 magkakapatid patay, ama malubha matapos kumain ng butete

Image capture of video by Rudy Escoto Image capture of video by Rudy Escoto

Patay ang tatlong magkakapatid at nasa malubhang kalagayan naman ang kanilang ama matapos nilang kumain ng isdang butete sa Camarines Sur noong Huwebes, ika-16 ng Marso.

Ayon sa ulat ng Abante, inulam sa hapunan ng pamilya, na nakilala lamang sa apelyidong Alano at residente ng Barangay Cabugao sa bayan ng Siruma, ang pinatuyong butete na kung tawagin sa kanilang lugar ay “tikong.”

Matapos umanong kumain ay sumakit ang sikmura ng pamilya at nagsuka kasabay ng pagkaramdam ng pagkahilo. Agad silang isinugod sa ospital, subalit namatay rin ang magkakapatid samantalang ang kanilang ama na nasa kritikal na kalagayan ay patuloy pa ring inoobserbahan.

Sinabi ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Bicol spokesman Nonie Enolva na mahigpit na ipinagbabawal ng ahensiya ang paghuli, pagbebenta at pagkain ng butete. Aniya, patuloy nilang iniimbestigahan ang pangyayari.