5 patay sa pagsabog ng lantsa sa Zamboanga City

Image from Zamboangacity Pnpmaritime Facebook pageImage from Zamboangacity Pnpmaritime Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Limang katao na ang kumpirmadong patay sa naganap na pagsabog ng maliit na barko sa Zamboanga City Lunes ng gabi.

Nasunog ang ML Satellite matapos itong sumabog habang nakadaong sa isang pribadong Bengo Wharf sa Baliwasan dakong alas-7:45 ng gabi.

Pinaniwalaang mga tripulante ang limang nasawing biktima na hanggang ngayon ay inaalam pa rin ang pagkakakilanlan ng dalawa dito, ayon Lt. Cmdr. Alvin Dagalea ng Zamboanga Coast Guard Station. Ang tatlong nasawi ay sina  Razdy Imlan, Manzul Abidin at Sidim Tangkahan.

Nakilala naman ang apat pang nasugatan sa trahedya na sina  Ardi Jumdain, Asin Nur at magkapatid na Andung at Alsid Sal.

Ang lantsa umano ay pag-aari ng isang  Isnaji Sajail na taga Jolo, Sulu. Mayroon itong 12 tripulante, ayon sa mga ulat.

Kuwento ng mga nakasaksi, sumabog ang ML Satellite habang nagkakarga ng krudo ang mga trabahador.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung ano ang naging sanhi ng pagsabog.