5 Pinoy, inaresto sa Malaysia dahil sa koneksyon sa Islamic State

Image from Muslim Matters

 

Arestado ang pitong tao, na kinabibilangan ng limang Pilipino at dalawang Malaysians, dahil sa kanilang koneksyon sa teroristang grupo na Islamic State.

Ayon sa Reuters, ipinahayag ng Malaysian Police noong Lunes, ika-13 ng Marso, ang pag-aresto sa pito. Sinabi umano ni Inspector-General of Police Khalid Abu Bakar na ginawa ang pag-aresto sa isang operasyon sa Sabah sa isla ng Borneo noong mga unang araw ng kasalukuyang buwan.

Isang Pilipino umano ang sangkot sa pangangalap ng pondo na ibinibigay sa dalawang Malaysian suspects na sumapi sa isang grupo sa Pilipinas na nagpahayag ng katapatan sa Islamic State. Ang isa pang Pinoy ay inaresto dahil sa planong pagtungo sa Syria upang sumapi sa Islamic State, samantalang ang ikatlong Pinoy na naaresto ay napag-alamang nanumpa ng katapatan kay Isnilon Hapilon, ang lider ng Abu Sayyaf Group.

Ang dalawa pang Pilipino, na mag-asawa, ay arestado dahil sa pagdadala ng mga miyembro ng Islamic State mula Malaysia at Indonesia patungo sa Pilipinas.