5 pulis iimbestigahan matapos masangkot sa “basketbrawl’ sa Dumaguete

Image capture of video by Hulagway ug Kasikas sa Dumaguete Facebook pageImage capture of video by Hulagway ug Kasikas sa Dumaguete Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Nahaharap ngayon sa imbestigasyon ang limang pulis matapos umanong masangkot ang mga ito sa away habang naglalaro ng basketball sa lungsod ng Dumaguete.

Sa video na ibinahagi sa Facebook page na Hulagway ug Kasikas sa Dumaguete, makikita ang grupo ng kalalakihan na naglalaro sa loob ng isang gym.

Ayon sa caption ng post, ang laro ay sa pagitan ng Green Team at miyembro ng PNP PIB/SOG. Nagsimula umano ang gulo matapos batukan ng isang player ng PNP ang isang miyembro ng kalabang team.

Nasundan pa ito nang bigwasang muli ang naturang player at tamaan sa mukha. Binato rin umano ng bola ang Number 55 player na nakilalang si Kent Kinkito.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, nagsumbong umano si Kinkito sa Dumaguete City Police Office matapos ang pangyayari.

Plano din umano nitong sampahan ng kaukulang kaso ang limang pulis na nakilalang sina  PO1 Jose Gabriel Villegas, PO1 Darylle Jade Delbo, PO2 Reynold Navarro, PO2 Ismael Llosa at PO3 Rulymar Laquinon; pawang nakatalaga sa Provincial Intelligence Branch-Special Operations Group.

Depensa naman ng kanilang team leader na si Senior Inspector Armel Alegria, nagtatalo lang umano ang mga manlalaro subalit hindi nila sinaktan si Kinkito.

Handa rin daw ang grupo na harapin ang reklamo.

Panoorin ang video: