75-anyos na lolo, napugutan ng ulo sa pananaga ng kabitbahay na lango sa droga

Image from Huseniyad

Napugutan ng ulo ang isang 75-anyos na matandang lalaki sa Tanza, Cavite nang pagtatagain siya ng kanyang kapitbahay na lango umano sa ipinagbabawal na gamot.

Ayon sa GMA, kasalukuyang kumukuha ng kanin sa kusina ng kanilang bahay ang biktima nang bigla na lamang pumasok ang suspek at walang habas na pinagtataga ang matanda hanggang sa maputol ang ulo nito.

Kinilala ang suspek na si Rodrigo Tumangday at ang biktima ay nakilalang si Epifanio Grepo.

Napatay ng mga rumespondeng mga pulis ang salarin matapos nitong makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad. Narekober mula kay Tumangday ang bolo na ginamit sa pananaga, isang kalibre .38 na baril at isang sachet ng pinaghihinalaang shabu. May drug paraphernalia ring nakuha sa loob ng bahay ng suspek.

Kuwento ng asawa ng biktima, madalas raw maghamon ng patayan ang suspek. Aminado naman ng ama ni Tumangday na gumagamit at nagtutulak ng droga ang anak.