8 OFW na miyembro umano ng loan sharking syndicate sa Hong Kong, arestado

Image from ASC Portforlios Image from ASC Portforlios

Nabuwag ng Hong Kong police ang isang diumano’y loan sharking syndicate matapos maaresto ang mag-asawang mastermind ng grupo at walong overseas Filipino workers (OFW) na tauhan nila.

Ang mag-asawa, kapwa Hong Kong nationals, ang utak umano ng pagpapautang na naniningil ng sobrang taas na interes sa mga OFW sa Hong Kong.

Ayon sa SCMP, nagsimula ang pagpapautang ng mag-asawa noong isang taon. Base sa nakalap na datos, nasa 1,200 OFW na ang nabiktima ng grupo.

Sinabi ni Superintendent Chan Hon-ming, ng Organized Crime and Triad Bureau, na nasa pagitan ng HK$4,000 at HK$15,000 ang ipinauutang sa mga kliyente. Kailangan umanong i-surrender ang passport at employment contract sa sindikato bilang prenda sa inutang.

10 porsiyento kada buwan o 120 porsiyento sa isang taoan ang interes na ibinabayad ng mga umutang. Doble umano iyon sa pinapayagan ng batas na 60 porsiyento kada taon.

Narekober mula sa mga suspek ang mahigit 200 passports kasama ang mga employment contracts, bank statements, debit notes at bank receipts.

 

Loading...