Alkalde ng Naga City, dinipensahan ang asawa sa pagkakasangkot sa #NagaLeaks

Image from Bicol StandardImage from Bicol Standard

MAYNILA, Pilipinas – Dinipensahan ni Naga City Mayor John Bongat ang kaniyang misis na si Farah Bongat dahil sa patuloy na pagsasangkot sa huli ng ilang netizen sa kontrobersiyal na #NagaLeaks.

Sa ulat ng Bicol Standard, nagpahayag umano ng pagkadismaya ang alkalde ng lungsod dahil patuloy na ikinakabit ang pangalan ng kaniyang asawa na umano’y responsible sa pagpapakalat ng #NagaLeaks sa social media.

Ang #NagaLeaks ay isang kontrobersiyal na blog na sinulat ng isang anonymous writer at ibinahagi ng website na ‘We Are Collective’. Ito ay sinasabing tumatalakay at nagbubunyag sa tunay na ‘kulay’ ng mga Robredo.

Bagama’t may mga naniniwala rito, marami rin ang nagdududa at sinasabing isa lamang itong propaganda para siraan si VP Leni Robredo.

Ayon kay Mayor Bongat, bagama’t kilalang taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang asawa, wala umano itong kinalalaman sa pagpapakalat ng #NagaLeaks sa social media.

Nagpalabas naman umano ng hiwalay na pahayag si Gng. Farah Bongat na hindi na muna nila itutuloy ang pagsasampa ng kaso sa mga taong nagsasangkot sa kaniya sa nasabing kontrobersiya.

Nauna nang napaulat sa Bombo Radyo Naga na planong magtungo ng ginang sa National Bureau of Investigation (NBI) upang isumbong ang isang Facebook page na nagsasangkot sa kaniya sa #NagaLeaks.

Nais umanong makaharap ni Bongat ang admin ng naturang page upang komprontahin ito.

Hiniling din ng mag-asawa sa mga kababayan sa Naga na patuloy na magdasal para lumabas ang katotohanan.