Angel Locsin, ‘exclusively dating’ na ang relationship status

Imahe mula sa FacebookImahe mula sa Facebook

Matapos ang isang hindi matagumpay na relasyon, mayroon na raw bagong nagpapatibok sa puso ng kilalang aktres na si Angel Locsin.

Ayon sa Pilipino Star Ngayon, sa wakas ay nakatagpo na si Locsin ng bagong pag-ibig. Siya mismo ang umamin na mayroon na siyang bagong nakaka-date ngayon at masaya raw siya sa kasalukuyan.

“Okay naman siya, tumitibok-tibok naman [ang puso ko]. Lumalabas ako ngayon. Yes, lumalabas ako ngayon. Kaka-start lang din naman. Huwag na nating pangunahan but happy heart naman,” kuwento ni Locsin.

Wika ng aktres, nasa “exclusively dating” stage na sila ngayon ng nasabing lalaki na ngayon ay nagpapasaya  sa kanya.

“‘Pag nag-date naman ako, exclusive naman. Never naman akong nag-date nang sabay-sabay. Wala namang gano’n. Ano, date, sabay-sabay? Di naman gano’n siyempre. ‘Pag nag-focus ako sa isang tao, ‘yon muna and ‘pag naging okay, ‘di move on,” saad niya.

Magugunitang naiugnay ang aktres kay Niño Barbers matapos ang kanilang hiwalayan ng dating nobyo na si Luis Manzano. Anak si Niño ng dating senador na si Robert Barbers. Gayunman, ikinagulat umano ni Locsin ang pagkakaugnay sa kanila ng binata at siniguro na hindi sila kailanman lumabas na magkasama.

“Nahiya nga ako sa kanya. Kasi bigla siyang naisyu sa mga tao, pero wala naman talaga,” ani Locsin.

Matagal-tagal din bago nakausad si Locsin mula sa hiwalayan nila ni Manzano.