Arrest warrant para sa kasong frustrated homicide laban kay Matobato, inilabas

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Inilabas na ang warrant of arrest laban kay Edgar Matobato, ang self-confessed hitman na umaming dating miyembro umano ng Davao Death Squad o DDS.

Ang warrant of arrest ay may kaugnayan sa tangkang pagpatay kay dating Department of Agrarian Reforem (DAR) adjudicator Abeto Salcedo Jr. noong Oktubre 23, 2014. Ang kaso ay isinampa ng Department of Justice (DOJ) nitong Enero lamang.

Kasama ring sinampahan ng kaso si Atty. Norberto Sinsona, dating abogado ng DAR at sinasabing mastermind sa krimen.

Ayon sa salaysay ni Salcedo, binaril siya ni Matobato nang ilang beses habang papalabas sa kaniyang opisina sa lungsod ng Digos kung saan siya dating nakadestino.

Hinala ng biktima, may kaugnayan sa kaniyang trabaho ang pagtangka sa kaniyang buhay.

Nakilala umano ni Salcedo si Matobato matapos itong lumabas sa telebisyon habang ginagawa ang pagdinig sa Senado noong Setyembre ng nakaraang taon.

Sa arrest warrant na inilabas ni Judge Carmelita Davin ng Digos City Regional Trial Court (RTC) Branch 19 noong ika-2 ng Marso, kinakailangang magpiyansa si Matobato ng P200,000.