Babaeng negosyante pumanaw matapos sumailalim sa liposuction at enhancement surgery

Images from Shiryl Saturnino/ Bunz Saturnino-Cuevas Facebook pages

MAYNILA, Pilipinas – Isang 29 anyos na babaeng negosyante ang namatay matapos sumailalim sa liposuction at enhancement surgery sa Mandaluyong City nitong Linggo.

Base sa report mula sa Eastern Police District (EPD), pumanaw umano si Shiryl Saturnino matapos isugod sa Makati Medical Center nang bigla itong mawalan ng pulso habang nasa operating room ng The Icon clinic na nasa unang palapag ng Summit One Tower sa 530 Shaw Boulevard.

Napag-alaman na pumunta sa naturang klinika si Saturnino noong Sabado para sumailalim sa liposuction, breast at butt surgery. Kasama nito ang isang kamag-anak na nagngangalang Shiela Mae.

Bandang alas-5 nang hapon nang ipasok ang biktima sa operating room at ang operasyon ay tumagal nang ilang oras.

Dakong alas-2:40 naman nang madaling araw ng Linggo nang mapansin umano nina  Dr. Jose Jovito Mendiola at Dr. Samuel  Eric Yapjuangco ng The Icon Clinic na nawalan ng pulso si Saturnino.

Tinangka pang i-revive ng mga doktor ang biktima hanggang sa magpasiya silang isugod sa Makati Medical Center ito. Sa kabila ng lahat, idineklarang patay na ang negosyate bandang alas 3:21 nang madaling araw.

Ayon sa The Icon Clinic, dati na nilang pasyente si Saturnino at sa katunayan umano ay ito na ang pangatlong beses na sumailalim ito sa naturang surgery.

Nangako naman si EPD Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula na iimbestigahan ang insidente upang matukoy kung may pagkukulang ang nasabing clinic at kung mayroong pananagutan ito sa nangyari.

Fact-checked against the following source(s) :

Philstar, Journal Online, Pilipino Star Ngayon