Bagong dating na OFW tinaga ng asawa matapos magtalo dahil sa perang pinapadala; mister nagbigti

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Sa halip na maging masaya dahil sa pag-uwi ng isang OFW, trahedya ang sinapit ng isang pamilya sa Maguindanao matapos mauwi sa pagpapakamatay ng mister ang away ng mag-asawa dahil sa pera.

Ayon sa ulat ng NDCB News, kauuwi lang ni Leni na isang OFW sa kanilang tahanan dalawang araw pa lang ang nakalilipas nang komprontahin nito ang asawa na si Landy Gunsi Paulino, 31,  sa perang kaniyang ipinapadala para sana sa pagpapatayo ng kanilang bahay sa  Sitio, Green Hills, Awang sa bayan ng Datu Odin Sinsuat.

Lumalabas na walang nangyayari sa perang ipinapadala ni misis sa kaniyang asawa sa kabila ng kanilang usapan na sa konstruksiyon ito ng bahay dapat mapunta.

Hindi umano maipaliwanag ng mister kung saan napunta ang pera at umiiwas ito sa usapan kahit ilang beses nang tinatanong. Madalas din umano ay umaalis ito ng bahay at gabi na umuuwi.

Nitong Biyernes ay muli siyang kinompronta ni Leni at nauwi ito sa mainitang pagtatalo. Bigla na lang umanong kinuha ng lalaki ang isang machete at tinaga ang kaniyang asawa.

Ngunit dahil nasalag ng kamay, naputol ang braso ng babae. Sugatan din sa insidente ang sariling ama at kapatid ng lalaki na sumubok awatin ito.

Matapos ang pananaga ay lumabas umano ang mister at saka nagbigti sa isang kahoy gamit ang isang lubid.

Pinaniniwalaang planado ng lalaki ang pangyayari dahi mayroon nang nakahandang lubid sa puno bago pa man ang pagtatalo.

Isinugod naman sa pagamutan si Leny sa Cotabato City kung saan ito kasalukuyang nagpapagaling.

___________________________________________

Kung may napapansin kayong kakaibang depresyon sa isang kaanak o kaibigan na posibleng nag-iisip magpatiwakal, tumawag sa pinakamalapit na istasyon ng pulis o sa Manila Lifeline Center [0917-854-9191, (02) 8969191].

Loading...