Bangkay ng OFW na nasagasaan sa Kuwait, naiuwi na

Image from FacebookImage from Facebook

MAYNILA, Pilipinas – Naiuwi na sa kanilang tahanan sa Ilocos Sur ang labi ng overseas Filipino worker (OFW) na nasagasaan sa Kuwait halos dalawang linggo na ang nakararaan.

Naghihinagpis ang pamilya ni Marcelino Devis Jr., ang 47-anyos na OFW na namatay matapos mabundol ng isang SUV noong ika-3 ng Marso sa  Hawalli, Kuwait.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, dumating ang bangkay ng nasawing OFW sa Laoag International Airport sakay ng Philippine Airlines flight RP C8398 noong Martes.

Kuwento ng misis ni Devis, naglalakad umano pauwi ang kaniyang asawa nang masagasaan ito ng isang SUV na minamaneho ng isang Kuwaiti. Kaagad umanong tumakas ang drayber ng sasakyan subalit napag-alamang sumuko rin ito sa mga pulis.

Duda naman ang pamilya ni Devis na simpleng aksidente lang ang nangyari dahil sa mga tinamong sugat ng kaniyang mister, ayon na rin sa death certificate nito.

“Parang hindi kapani-paniwala kasi nagkaroon ng multiple fracture sa neck and skull, kung simpleng sagi lang ‘yun,” sabi ng isang anak nito.

Umapela na umano sila ng tulong sa gobyerno ng Kuwait para sa patuloy na imbestigasyon.

Si Devis ay 16 na taon nang nagtatrabaho bilang OFW at ang kaniyang pinakahuling pinasukan ay isang landscaping company.

Umaasa rin ang pamilya na makikipagtulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa imbestigasyon.