Bong Revilla, nagpadala ng liham at tsokolate kay De Lima

Image from News Cast

Nagpadala ang dating senador na si Bong Revilla ng mga tsokolate na may kasamang maikling liham kay Senadora Leila De Lima, ayon sa kwento ni Bacoor Mayor Lani Mercado, maybahay ni Revilla.

Si Revilla at De Lima ay kapwa nakapiit sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame.

“All I can say, Sen. Bong sent her chocolates with a note. Mabait ang asawa ko. ‘Yun lang ang masasabi ko. He has a good heart,” sabi ni Mayor Lani sa panayam ng ABS-CBN.

Dagdag pa ng mayor, ramdam daw nila kung anuman ang nararamdaman ngayon ni Senadora De Lima at kung gusto raw nito ay isasama nila ito sa prayer service sa Camp Crame dahil malapit lang ang detention cell ng senadora sa cell ni Revilla.

Si De Lima ay nakulong matapos sampahan ng kaso ng Justice Department kaugnay ng illegal drug trade sa New Bilibid Prison. Si Bong Revilla, kasama ang mga dating senador na sina Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile, ay nakulong dahil sa plunder noong si De Lima pa ang justice secretary.

Si Enrile ay pinayagang makapagpiyansa.