Cebu City Mayor Osmeña, sumugod sa bahay ng road rage suspect na bumaril sa isang nurse

Image from Mayor Tomas Osmena's Facebook page

Kasama ang ilang pulis, sumugod si Cebu City Mayor Tomas Osmeña sa bahay ng isang David Lim Jr. na positibong kinilala ng biktimang si Ephraim Nuñal na siyang bumaril sa kanya.

Ipinost ni Mayor Osmeña sa kanyang Facebook page ang isang larawan kung saan makikita ang ilang miyembro ng Special Weapons and Tactics team sa tapat ng gate ng bahay ng suspek. Sa isa pang larawan ay nakitang may lalaking kinakausap ang alkalde sa loob ng bahay ng suspek.

Anang alkalde, wala umano sa bahay ang suspek kaya inimbitahan niya ang ama nito para sa ilang katanungan. Aniya, hindi niya mapipilit ang suspek na sumama sa kanya nang wala pang warrant of arrest. Gumagawa na raw siya ng paraan upang maisyuhan ng mandamiento de arresto ang road rage suspect.

Sinabi ng mayor na siya ang nag-utos na mga pulis na puntahan ang suspek sa bahay nito.

Nauna na rito, ipinag-utos na ni Mayor Osmeña sa pulisya na bantayan ang Mactan Cebu International Airport at ibang ports of exit ng siyudad upang masigurong hindi makakatakas ang suspek.