Cesar Montano pinabulaanan ang akusasyon ng mga empleyado ng TPB

Image from Ronald "Bato" Dela Rosa Supporters Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Mariing pinabulaanan ni Cesar Montano ang mga akusasyon laban sa kaniya na ipinarating ng mga empleyado ng Tourism Promotion Board (TPB) sa Presidential Action Center (PACE) kamakailan.

Depensa ni Montano, nahirang ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Chief Operations Officer (COO) ng TPB noong nakaraang buwan, wala umanong basehan ang mga alegasyon na pormal na ipinasa ng mga empleyado para sa kaukulang aksiyon noong ika-1 ng Marso.

“The allegations made against the Office of the COO, through a complaint filed anonymously, are baseless and untrue,” ayon sa pahayag na inilabas ng opisina ni Montano.

Matatandaang umabot sa 24 ang bilang ng reklamo laban kay Montano at kabilang dito ang pagtatalaga umano ng mga kaibigan at kamag-anak ng aktor sa ilang posisyon sa ahensiya tulad ng kapatid nito na si Rommel Montano.

Pinasok din umano ni Montano ang ilang mga kuwestiyonableng kontrata na hindi dumaan sa proseso at pagsusuri ng board.

Bukod dito, wala umanong sapat na kakayahan ang aktor na pamunuan ang board dahil hindi nito masyadong nauunawaan ang mga presentation sa meeting, at kadalasan ay umaalis pa sa gitna ng pagpupulong.

Subalit pawang gawa-gawa lang daw ang mga naturang akusasyon, sabi ng aktor na kilalang masugid na tagasuporta ni Pangulong Duterte.

“Without proof, anyone can easily fabricate stories with the sole purpose of destroying the credibility of the agency and this administration,” paliwanag nito.

Ganunpaman, sa kabila ng kontrobersiya, nangako pa rin ang aktor na patuloy na magsisilbi sa publiko ang kaniyang opisina at nagpasalamat ito sa patuloy na sumusuporta at naniniwala sa kaniyang kakayahan.

Fact-checked against the following source(s) :

ABS-CBN News, Kicker Daily News, GMA News