Chinese national, pinagbabaril sa loob ng sasakyan sa Paranaque

Image capture from ABS-CBN video reportImage capture from ABS-CBN video report

MAYNILA, Pilipinas – Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin sa loob ng kaniyang SUV sa lungsod ng Parañaque Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima sa pamamagitan ng driver’s license nito na si Ben Chua, 42 anyos, isang Chinese national at nakatira sa Dasmariñas St. sa Binondo, Maynila.

Ayon sa report ng pulisya, binabaybay umano ni Chua sakay ng kaniyang RAV 4 ang Pacific Avenue sa Brgy. Don Galo sa Paranaque nang gitgitin ito ng isang Toyota Innova at isang puting van pasado alas-9 ng gabi.

Makaraan ang ilang sandali ay pinaputukan na ng mga suspek ang sasakyan ng biktima, dahilan para sumampa ito sa gutter.

Nagtamo ng ilang tama ng bala sa didbid ang dayuhan na siya nitong ikinamatay.

May narekober din umanong isang sachet ng pinaghihinalaang shabu mula sa bulsa ng biktima at ilang basyo mula sa kalibre .45 na baril sa loob ng sasakyan.

Kuwento ng isang nakasaksi sa pangyayari, mistulang nagkakarerahan ang tatlong sasakyan dahil mabilis ang patakbo ng mga ito. Maya-maya pa umano’y nakarinig na siya ng ilang putok ng baril. Wala rin umanong license plate ang dalawang sasakyan na nakita pa niyang tumalilis matapos ang pangyayari.

Wala nang buhay ang biktima nang abutan ito ng mga nagrespondeng barangay tanod sa lugar.

Inaalam pa mga awtoridad ang motibo sa pananambang.