Dahil sa Mapanirang ‘Comment’ sa Facebook, Estudyante Inaresto

Public domainPublic domain

“May limitasyon nga ba ang Freedom of Speech?”

Inaresto nitong Biyernes ang isang 20-anyos na estudyante sa tahanan nito sa Barangay Calumpang, General Santos City dahil sa umano’y mapanirang comment nito sa Facebook.

Kinasuhan si Ellen Jane Amado ng online libel hinggil sa mapanirang komento nito patungkol sa isang 16-anyos na dalagita na kanya pang pinangalanan, ayon kay Police Chief Inspector Leo Dofiles, pinuno ng anti-cybercrime group ng Region 12.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, kahit na winasto ni Amado ang post nito at binura, huli na ang lahat dahil marami na ang nakabasa nito at nakita na rin ng mga kamag-anak at kaibigan ng complainant.

Binago ni Amado ang unang post nito ngunit nang silipin ng mga awtoridad ang ‘edit history’ nito, nakita na tinanggal niya ang pangalan ng complainant.

Ani Dofiles, nagkasagutan din sina Amado at ang complainant sa social media.

Si Amado na nasa kustodiya ng anti-cybercrime group ay umiwas nang magbigay ng pahayag tungkol sa nangyari.

Nagpaalala rin ang anti-cybercrime group na maging maingat sa pagbibigay ng komento sa social media at magsilbing aral ang nangyaring insidente.

Saad ni Dofiles, hindi dapat nilalabag ang karapatan ng ibang tao at hindi lamang dapat isipin ang karapatan na magsalita.

Paliwanag ni Dofiles: “We know you have that freedom, however, when your freedom ay nakakaapak na rin ng freedom ng ibang tao, may karapatan din ‘yung inaapakan mo na mag-file din ng kaso laban sa ’yo.”

Ani Dofiles, noong 2016, ang pinakamataas na bilang ng mga kasong isinampa sa anti-cybercrime group ng pulisya ay ang online libel na may 494 na bilang at pangalawa ang online scams na may 444 na kaso.

Ang kasong isinampa laban kay Amado ay nag-iisang online libel case na isinampa sa General Santos City.

Source :

ABS-CBN, Facebook

Loading...