Dalagita, malubha matapos tamaan ng lalaking tumalon mula sa 4th floor ng mall

Image from News CrabImage from News Crab

Isang hindi kinilalang lalaki ang itinanghal na wala nang buhay matapos nitong tumalon mula sa sa ikaapat na palapag ng isang mall sa Cainta, Rizal noong Biyernes, ika-24 ng Marso.

Doble ang trahedyang naganap sa pagpapatiwakal ng lalaki, na napag-alamang kalalabas pa lamang mula sa National Center for Mental Health noong buwan ng Enero; dahil sa kanyang pagbagsak ay tinamaan niya ang isang 16-anyos na dalagita.

Malubha ang mga pinsalang natamo ng babae na kinilalang si Chantal de Villa na residente ng Pasig City. Sugatan sa ulo at nabali ang binti nito na agad namang nilapatan ng paunang lunas ng pamunuan ng mall bago isinugod sa pagamutan.

Ayon sa ulat ng Journal, sinabi ng saksing si Yonilyn Toling, service crew sa isang tindahan sa mall, na bago tumalon ang lalaki ay nakita pa niya itong tumatakbo.

Kinumpirma ni Ricardo Pauig, Sta. Lucia East Grand Mall desk officer, ang nangyaring trahedya.

*****

Ano ang dapat gawin kapag nalaman na nais magpatiwakal ng isang kakilala?

Sinabi sa isang artikulo ng San Rafael National High School Stem-B na ayon daw sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention, dapat pakinggan at bigyan ng pagkakataong mailabas ng taong nais magpatiwakal ang kanyang saloobin.

Dapat rin umanong ipaintindi sa kanya sa mahinahong pamamaraan na hindi sagot ang pagpapakamatay sa kanyang problema.

Maaari ding humingi ng tulong sa iba na maaaring kumausap sa taong nakararanas ng matinding depresyon. Naiiwasan ang pagpapakamatay ng isang tao kapag alam niyang may dumaramay sa kanya.